Ang usapin ng West Philippine Sea ay higit pa sa teritoryal na
alitan, ito ay isang laban para sa ating karapatan, kapangyarihan, at
pambansang dangal. Sa kabila ng positibong desisyon ng Permanent Court of
Arbitration (PCA) noong 2016 na kumikilala sa karapatan ng Pilipinas sa
loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ), patuloy pa rin ang panghihimasok
at militarisasyon ng China sa mga sakop nating karagatan. Ang pagtatayo ng mga
artipisyal na isla, pag-deploy ng mga barkong pandigma, at pagpigil sa ating
mga mangingisda ay malinaw na paglabag sa pandaigdigang batas at pagnanakaw sa
yaman ng ating bayan. Malaking banta rin ito sa kalikasan, kung saan ang mga
coral reefs na tahanan ng iba't ibang uri ng lamang-dagat ay unti-unting
nasisira dahil sa walang habas na pagtatayo ng mga estruktura. Hindi ito
usaping malayo sa ati, ito ay may direktang epekto sa kabuhayan ng libu-libong
Pilipinong umaasa sa yamang-dagat ng ating bansa.
Sa gitna ng hamong ito, mahalaga ang pagkakaisa at pakikiisa ng bawat
Pilipino. Hindi dapat tayo manatiling tahimik at walang pakialam sa gitna ng
malinaw na pang-aabuso at pananakop sa ating teritoryo. Ipaglaban natin ang
ating karapatan at huwag tayong magpaalipin sa mga nagtatangkang agawin ang
ating teritoryo. Sa simpleng pakikilahok sa mga diskusyon, pagpapalaganap ng
tamang impormasyon, at pagsuporta sa mga proyektong nagtataguyod ng ating
karapatan, malaki na ang maiaambag ng bawat isa sa laban na ito. Ipaglaban
natin ang ating karagatan para sa pagkain, enerhiya, at kabuhayan ng mga
susunod na henerasyon. Panahon na upang ipakita sa mundo na ang ating kalayaan
ay hindi basta-bastang isinusuko, ito ay isang laban na hindi natin aatrasan.
Ang tapang at pagkakaisa ng bawat Pilipino ang tunay na kalasag laban sa
pang-aabuso.
Hinihikayat ang bawat mamamayang Pilipino na makiisa sa laban para sa West
Philippine Sea. Hindi ito laban ng iilan. Ito ay laban ng bawat isa sa
atin. Nasa ating mga kamay ang kinabukasan ng ating bayan, at sa ating
pagkilos, maipapakita natin na hindi natin pababayaan ang ating karapatan.
Maging mapagmatyag, magpahayag ng suporta, at makibahagi sa mga paraan kung
saan maipapakita natin ang ating pagkakaisa at pagmamahal natin para sa bayan.
Sa ating sama-samang pagbangon at paglaban, magagawa nating ipagtanggol ang
ating karagatan at ang kinabukasan ng sambayanang Pilipino.
No comments:
Post a Comment