Ang Walang Sugat, isang sarswela na isinulat ni Severino Reyes, ay umiikot sa kwento nina Julia at Tenyong, magkasintahang nagmahalan sa gitna ng kaguluhan ng panahon ng himagsikan laban sa mga Espanyol. Napilitan si Tenyong na iwan si Julia upang sumama sa rebolusyon at ipaglaban ang bayan. Sa kanilang pagkakahiwalay, napilit si Julia ng kanyang ina na magpakasal kay Miguel, isang lalaking hindi niya mahal. Sa kasal, dumating si Tenyong na sugatan at tila nasa bingit ng kamatayan. Sa huling sandali, pinakasal sina Julia at Tenyong bilang katuparan ng huling hiling ng heneral. Sa pagtatapos, nabigla ang lahat nang malaman nilang hindi pala totoong sugatan si Tenyong, kaya’t nagwakas ang dula sa masayang tagpo.
Ang panonood ng Walang Sugat bilang isang dulang pantanghalan ay
nagdulot ng mas matinding damdamin kumpara sa panonood ng pelikula o telebisyon.
Ang live na pagtatanghal ay nagpaigting sa emosyon, lalo na’t nararamdaman ko
ang bawat taghoy, galit, at kasiyahan ng mga aktor sa entablado. Ang eksenang
nagpaalam si Tenyong kay Julia bago sumama sa rebolusyon ay nagbigay ng
matinding lungkot, habang ang biglang pagbawi sa kasal ni Julia at Miguel ay
nagdulot ng galit at saya nang magkasabay. Ang harapang pagsaksi sa kanilang
damdamin, kasabay ng musika at galaw ng katawan, ay nakakapagpalapit sa
manonood sa kwento.
Sa pelikula o telebisyon, bagaman maganda ang cinematography at editing,
ang emosyon ay madalas limitado dahil sa distansya sa pagitan ng aktor at
manonood. Sa dula, ang personal na presensya ng mga aktor ay nagdadala ng
kakaibang kilig at tensyon na bihirang maranasan sa screen. Ang live na
pagtatanghal ay may natural na alindog na nagbibigay ng pakiramdam na bahagi ka
ng kwento, kaya’t mas malalim at mas makulay ang emosyon na nararanasan.
No comments:
Post a Comment