Wednesday, December 18, 2024

Sosyedad At Literatura (Obserbasyon, Reaksyon, at Konklusyon - Isang Sulating-Papel)

 

Sa aming klase sa Sosyedad at Literatura, kasama namin ang mga mag-aaral na major sa Science at Math. Dahil ito ay isang Filipino subject, ang pangunahing wika na ginamit sa pagtuturo ay Filipino. Isinagawa ang iba't ibang aktibidad tulad ng pagbabasa, panonood ng mga eksena, at pagsusulat ng balangkas sa pamamagitan ng reporting. Upang mas mapadali ang paghahanda ng mga mag-aaral, nagbigay ang guro ng module na naging malaking tulong sa pagrereport at pagkuha ng impormasyon.

 

Habang nakikinig ako sa mga reporting ng aking mga kamag-aral na Science at Math major, napansin ko na bagaman karaniwang English ang ginagamit na wika sa kanilang mga major subjects, sinikap nilang gamitin ang Filipino sa kanilang mga presentasyon. Dahil Filipino ang medium ng pagtuturo sa klase, mas naging madali para sa kanila na ipahayag ang kanilang mga aralin sa wikang ito. Bagaman may ilang pagkakataon na gumagamit sila ng mga English na termino, nauunawaan pa rin ito ng lahat dahil sa kanilang background. Na-appreciate ko ang kanilang pagsisikap na magpahayag sa Filipino, kahit na hindi ito ang karaniwang wika na ginagamit nila sa kanilang mga major subjects. Naging maayos ang kanilang pagrereport. Nagawa nilang malinaw na ipaliwanag ang kanilang mga paksa sa wikang Filipino at nagamit ang iba't ibang makrong kasanayan tulad ng pakikinig, pagsasalita, at pagsusuri. Bagaman may mga English na salitang ginamit, ito ay nauunawaan dahil sa kanilang specialization. Gayunpaman, patuloy silang nagsikap na magpahayag sa Filipino, na isang positibong bagay para sa akin.

 

Sa aking obserbasyon, naging epektibo ang paggamit ng Filipino sa aming klase sa kabila ng magkakaibang background ng mga mag-aaral. Nagawa nilang ipahayag nang malinaw ang kanilang mga ideya at naintindihan ng lahat ang mga aralin. Bagaman may mga hamon sa paggamit ng Filipino para sa mga Science at Math major, ito ay nauunawaan dahil sa kanilang specialization, at ipinakita nila ang kanilang pagsusumikap na magpahayag sa wika ng asignatura. Sa huli, naabot nila ang layunin ng kanilang reporting at naiparating nang maayos ang kanilang mga mensahe.

 


No comments: